Higit sa lahat

Download Report

Transcript Higit sa lahat

Higit sa lahat
- ni Apo SIerrra
Ang paglilingkod sa sambayanan
Ay isang pagbibigay-aral,
Tinitilad-tilad, sinusuri
Ang mga pangyayaring batay
Sa itinakbo ng kasaysayan.
Higit sa lahat,
Ang maglingkod sa sambayanan
Ay paglalaaan ng dunong kasama ng masa
Sa kanilang tabi sa araw ng pag-aaral at
pagkatuto
Ang maglingkod sa sambayanan
Ay isang pag-oorganisa
Sa mga kulob ng kahirapan,
Pagsasamantala at pang-aapi
Upang isang puwersa itong tumayo
Upang isang puwersa itong humakbang
pasulong
Sa gitna ng talahib ng reaksiyon
Higit sa lahat,
Ang maglingkod sa sambayanan
Ay paglalaan ng lakas kasama ng masa
Kabalikat kabisig sa gabi ng pagbubuklod at
pagbangon
Ang maglingkod sa sambayanan
Ay isang kilos paglaban
Sa kung saan ang antig ng damdamin
Ay dagat ng pakikibaka
Para sa panlipunang pagbabago
Higit sa lahat,
Ang maglingkod sa sambayanan
Ay paglalaan ng dugo at buhay kasama ng
masa
Hanggang sa panahong maghahati ang dilim
at liwanag
At maiguguhit ang pulang umaga ng
tagumpay
Sa Bayan
- Lloris
Marami na ang nasabi
Tungkol sa iyo;
Ang sa akin lamang ay habilin;
Huwag ka sanang magkakait
Kahit man lang isang patak ng luha
O kahit kapirasong habag
Kapag nakita mong nakahandusay
Sa lupang ipinakipaglaban
Ang isa o dalawa o tatlo
Sa iyong mga anak
Hindi,
Hindi ko hinihiling
Na kanlungin mo ang kanilang bangkay,
Huwag mo lang kalimutang alalahanin
Silang umibig ng tapat sa iyo.
Tanging Alay
- Angelo SInag
Iniisip natin ang kinabukasan
Hindi para sa sarili
Kundi para sa mga susunod pa sa atin
Ang tanging alay: isang malayang bansa
Sa hawla ng marahas na agos
Ng kahirapan,
Pagsasamantala
At pang-aapi
Walang puwang na di naisin
Ang paglaya upang languyin
Ang dagat ng isang paghamon
Na kumilos at makibaka
Hanggang sa tagumpay!
At ngayo’y nahaharap tayo sa hamon
Na iwan ang bagabag at bitbitin ang kahandaan
Tungo sa malawak na kaparangan
Tungo sa pagpuksa sa kaaway ng mamamayan!
Sa takdang panahon
- mario
sikatan at lubugan ng araw
sa pinagyayamang lupa
kapiling ng lumang karit
upang maitawid sa gutom
ang pamilyang umaasa
ang kahirapan
na kapiling sa araw-araw
ay lalong nagsisidhi
sa kagagawan ng iilang gahaman
na may lakas na mangamkam
ng lupa ng buhay
ngunit ang paghihirap
na dinaranas ay may wakas
ang pagtitimpi ay may hangganan
ay isinasadlak ay nagbabangon
ang pinagsasamantalahan at inaapi
ay lalaban
upang mabuhay
sa takdang panahon
ang katawang pinagal
ay titindig
at hihigpit ang kapit
ng kinakalyong kamay
sa lumang karit
at ito’y iwawasiwas
hanggang sa mabahiran ng dugo
ng kaaway sa uri.
Rebo
- Habagat
Kapag ang tanikalang nagsasadlak
Sa patuloy na pagkabusabos at pagkaalipin
Ay pinutol ng malayang diwa,
Pati pluma’t papel ay pagod ng magsalita
Iipunin ko ang hihip ng panahon
Ihahagis pagkatapos sa lahat ng bundok at burol
Upang umalingawngaw sa lahat ng dako
Ang sigaw, ang daing, ang tawag,
Na inilibing ng iilan,
Ay muling magbabangon…
At sa pagitan ng mga kandilang nakatirik
Na bawat mumunting apoy ay kinulaya’t pinaalab
Ng dugo ng mga dakila,
Ihahatid ka namin, Inang Bayan
Sa dambana,
Para sa iyong pakikipagniig
Kay Amang Laya.
Oyayi
- Lourdes
Meme na bunso, matulog ng mahimbing
Ang itay mong mahal ay huwag ng hintayin
Bukas o makalawa ay baka palaring
Makababa sa patag at ikaw ay dalawin.
Hayaan mo anak, aking hihingin
Sa Panginoong Maykapal na huwag agad duluting
Ang dugo ng iyong itay ay mapiling pandilig
Upang pagkauhaw sa kalayaan ay pawiin.
Subalit o, bunso, kapag hiling ko'y di dinggin
At ang lumikha't tadhana ay magkait sa atin
Ang inay mong mahal, anak, sana'y patawarin
Ako naman ang aalis, ika'y hihintayin
Go back to main page